‘SIM Swap Scam’, nabuko

11798402_1205298446150728_288681858_n
Larawan mula kay Ricky Brozas

Isasalang sa pagsusuri ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga nakumpiskang cellphone at Ipad ng dalawang naarestong suspek sa “sim swap scam”.

Ayon kay NBI Cybercrime Division Chief Atty. Ronald Aguto, ito ay para matukoy ang posibilidad na mayroon pang ibang nabiktima ang mga suspek na sina Franco De Lara at Ramil Pascual na naaresto ng NBI sa Laguna.

Kaugnay nito inaalam pa rin ng NBI kung laganap na ang modus na sim swap scam kung saan gamit ang pekeng mga authorization letters at ID ng mga biktima at saka magre-request ng sim swap sa mga telecommunication companies.

Sa sandaling makapagpalit na ng sim, gagamitin naman nila ito para limasin ang laman ng bank accounts ng mga biktima sa pamamagitan ng online banking.

Ayon kay Aguto na malinaw sa ngayon na pawang kakilala ng mga suspek ang kanilang mga binibiktima dahil nakagagawa sila ng pekeng authorization letters at nakapagpapagawa pa ng pekeng IDs.

Nasabat sa kanila ang mga ATM card na nakapangalan sa iba.

Sinampahan na ng kasong paglabag sa Access Device Act, Estafa through falsification of documents at paglabag sa Computer Related Identity theft ang mga suspek.

Una nang humingi ng tulong sa NBI ang Globe Telecoms, Inc., dahil sa pagkakabiktima ng isa nilang subscriber na nagngangalang Ian Caballero. Sa reklamo sa Globe ni Caballero, bigla na lamang naging deactivated ang SIM card niya at pagkatapos ay natuklasan niyang may nakapag-access ng kaniyang mobile banking at nakuhanan siya ng P48,000./ Ruel Perez, Ricky Brozas

Read more...