Mga kaso ng pagpatay ng DDS pinaiimbestigahan ni Trillanes sa Blue Ribbon Committee

By Den Macaranas September 26, 2016 - 04:59 PM

trillanes-1-620x408
Inquirer file photo

Isang mosyon ang inihain ni Sen. Antonio Trillanes IV para imbestigahan ng Senate Blue Ribbon Committee ang mga kaso ng extra judicial killings na umano’y kagagawan ng Davao Death Squad (DDS).

Sa kanyang privilege speech, idinepensa ni Trillanes ang mga naging pahayag ng nagpakilalang dating miyembro ng DDS na si Edgar Matobato sa Senado.

Sinabi ni Trillanes na isang credible witness si Matobato at naniniwala siya sa mga sinabi nito na nag-uugnay kay dating Davao City Mayor at ngayo’y Pangulong Rodrigo Duterte bilang nasa likod ng mga operasyon ng DDS.

Ayon kay Trillanes, kailangang imbestigahan ang nasabing mga kaso ng pagpatay sa maraming tao na kinasasangkutan ng pinaka-mataas na lider ng bansa.

Sa kanyang interpellation, sinabi ni Sen. Alan Peter Cayetano na kapag nanghimasok sa imbestigasyon ang Blue Ribbon Committee ay tuluyan nang mababalewala ang mga ginawang pagsisiyasat ng Senate Justice Committee.

Kanyang ring kinuwestyon ang ilang mga video clips at patunay na iniharap sa Senado ni Trillanes na dumidepensa kay Matobato.

Inisa-isa rin ni Cayetano ang mga “inconsistencies” sa mga naging pahayag ni Matobato sa pagdinig ng Senado.

TAGS: blue ribbon committee, Cayetano, duterte, matobato, trillanes, blue ribbon committee, Cayetano, duterte, matobato, trillanes

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.