Ayon sa abiso ng PAGASA, aabot sa 3.4 meters hanggang 4.5 meters ang taas ng alon sa northern at eastern coasts ng lalawigan ng Cagayan,gayundin sa northern coast ng Ilocos Norte at sa eastern coast ng Isabela.
Dahil dito, nakaalerto na ang Philippine Coast Guard sa mga lugar na apektado ng malakas na hangin na nagreresulta ng mataas na alon.
Ayon kay Coast Guard spokesperson Commander Armand Balilo, wala nang pinapayagan na anumang uri ng sasakyang pandagat na makapaglayag mula at patungo sa mga lugar na may nakataas ng babala ng bagyo.
Alinsunod sa mga hakbang o panuntunan ng Department of Transportation (DOTr) na kapag may umiiral ng babala ng bagyo bilang 1 ay otomatikong kanselado na ang lahat ng biyahe ng mga sasakyang pandagat sa mga lugar na nasasakop ng babala ng bagyo at maging sa pagmumulan ng maglalayag patungo sa naapektuhan ng bagyo.
Sa ngayon, nakataas ang signal number 2 sa Batanes Group of Islands, habang signal number 1 sa Babuyan Group of Islands.
Pinag-iingat pa rin ng Coast Guard ang mga mangingisda sa mga lugar na nagtaas ng gale warning ang PAGASA.
Nakaalaerto naman ayon kay Balilo ang mga rescue team at medical personnel ng PCDG sa magiging epekto ng bagyong Helen.
Samantala, dahil hindi pa rin tuluyang nakakabawi sa naging epekto ng bagyong Ferdie, patuloy ang pag-ayuda ng pamahalaan sa mga residente sa Batanes.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) may mga lugar pa rin sa Batanes na putol pa rin ang linya ng kuryente at walang komunikasyon.
Patuloy umano ang restoration efforts para maibalik ng 100 porsyento ang power supply habang na-restore na ang mga nasirang signal ng cellular sites sa malaking bahagi ng lalawigan;
Bilang paghahanda naman sa posibleng maging epekto ng Typhoon Helen, sinabi ng NDRRMC na may nakahanda nang telecommunications team at nagtayo na ng emergency shelters.