Ngayong araw na sisimulan sa Kamara de Representantes ang deliberasyon ng panukalang P3.35 trilyong budget ng administrasyong Duterte para sa susunod na taon.
Ayon kay Davao City Rep. Karlo Alexei Nograles, sisimulan na nila ngayong araw ang dalawang linggong marathon deliberations para mailusot na ito sa ikatlo at huling pagbasa pagdating ng ikatlong linggo ng susunod na buwan.
Ito ay upang maipasa na ito agad sa Senado.
Bilang pinuno ng House Committee on Appropriations, si Nograles rin ang magsisilbing sponsor at dedepensa sa panukalang budget ng administrasyon.
Inaasahang dedepensahan ni Nograles ang Department of Budget and Management, habang si Camarines Sur. Rep. Luis Reymund Villafuerte naman ang magiging sponsor ng Department of Finance at ng mga ahensya sa ilalim nito, at siya rin ang dedepensa naman sa budget ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) at ng Government Commission for Government-owned and Controlled Corporations (GOCCs).
Ang panukalang budget para sa 2017 ay 11.6 percent na mas mataas kumpara sa budget na inilaan noong nakaraang taon na P3.002 trillion.