Nakalabas na ng bansa ang Fillipino-American o Fil-Am na suspek sa pagpatay sa 24-anyos na si Aika Mojica ng Olongapo City.
Si Mojica ay natagpuang patay sa bayan ng San Felipe sa Zambales na may tatlong tama ng bala ng baril at sunog ang katawan.
Ayon kay Olongapo City Mayor Rolen Paulino, ang suspek na si Jonathan Dewayne Ciocon Viane na isang Fil-AM ay agad umalis patungong Estados Unidos matapos ang krimen.
Pinaghahanap naman ang isa pang suspek na nakilala sa pangalang Niño dela Cruz.
Sa record na nakuha ni Paulino sa Bureau of Immigration (BI), ngayong araw dapat ang orihinal na schedule ng alis ni Jonathan pero binago nito ang booking at umalis na noong July 26.
Kahapon lang nakapagpalabas ng warrant of arrest ang korte sa dalawang suspek.
Si Jonathan – 29 anyos na pangunahing suspek sa pagpatay kay Mojica ay residente ng San Isidro, Subic Zambales.
Unang napaulat na nawawala si Mojica matapos dumalo sa birthday party ng kaibigan noong July 24.
Isang 17-anyos na alyas “Claire” na girlfriend ng suspek na si Jonathan ang nagbigay na ng testimonya at sinabi ang kaniyang nalalaman. Sa pahayag ni “Claire”, kasama niya si Mojica noong gabi ng July 24, sinamahan pa umano niya ito sa isang gasoline station para makipagkita kay Jonathan.
Sinabi ni “Claire” na nais makausap ni Jonathan si Mojica dahil sa balitang ito ang nagbibigay impormasyon sa dating asawa ni Jonathan na nasa Amerika. May custody battle si Jonathan sa dating asawa. Ibinigay ng korte ang karapatan sa ina ng bata ngunit itinakas ni Jonathan ang anak na menor de edad.
July 25 ng umaga ng makita ang bangkay ni Mojica.
Ayon kay “Claire” nagkita pa ulit sila ni Jonathan nang umagang iyon, at nang tanungin niya ito kung nasaan na si Mojica ay sinabi umano ng suspek na ito ay patay na at walang dapat ipag-alala dahil malinis ang pagkakagawa ng krimen.
Si “Claire” ay nasa pangangalaga na ng mga otoridad./ Dona Dominguez-Cargullo, Gina Salcedo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.