China, naghinay-hinay sa konstruksyon sa Panatag Shoal

panatag-CHINAPansamantalang naantala ang target ng China na bumuo ng malawak na base militar sa Panatag Shoal, at ayon sa isang Chinese analyst, ito ay dahil sa pagiging maayos ng relasyon sa pagitan nito at ng Pilipinas.

Sa mga nagdaang taon, kapansin-pansin ang pagbakod ng mga Chinese Coast Guard vessels sa Panatag o Scarborough Shoal, pati na ang mga malalaking barko na kayang humukay ng buhangin na maaring gamitin sa pagtatayo ng artificial islands.

Pero mistula umanong bahagyang naiiba ang direksyon ng plano ng China dahil sa pagiging bukas ng Pilipinas na ayusin ang samahan ng dalawang bansa.

Bukod dito, napapansin ng China ang paatras na kilos ni Pangulong Rodrigo Duterte mula sa alyansa nito sa Amerika bunsod ng mga maya’t mayang patutsada nito laban sa Estados Unidos.

Ayon kay Zhang Baohui na isang propesor ng international relations sa Lingnan University sa Hong Kong, ‘irrational’ para sa China na ituloy ang kanilang plano sa Panatag Shoal sa ngayon.

Mas nagugustuhan kasi aniya ng pamahalaan nila ang pagiging neutral ng Pilipinas sa alitan ng China at Estados Unidos, dahil mas may tsansa na sila ngayon.

Pero sa kabila nito, sinabi ni Jin Canrong ng Renmin University sa Beijing, sisimulan ng China ang mga konstruksyon sa Panatag Shoal sa susunod na taon dahil sa kabila ng mga paalala ng Amerika, naninindigan si President Xi Jinping na kailangan nila itong gawin.

Ayon pa kay Jin, mas may epekto ang pagiging bukas ni Duterte na makipag-usap sa China sa pagpapaliban ng konstruksyon sa Panatag, kaysa sa inilabas na desisyon ng international tribunal.

 

 

 

Read more...