Ama na ginawang tulak sa droga ang anak, patay sa operasyon ng Caloocan City Police

crime-scene-e1400865926320Patay sa Police Operation ang hinihinalang tulak ng droga sa Caloocan City matapos umano nitong gawing drug runner ang sariling anak.

Ikinasa ng Caloocan police ang buy-bust operation sa bahay ng suspek na si Armando Calungin sa Barangay 31, pasado ala una ng kaninang madaling araw.

Ayon kay Superintendent Ali Duterte, hepe ng NPD Detective and Special Operation unit, bibili sana ng droga ang poseur-buyer mula kay Calungin pero pumasok ito sa kanyang bahay, kumuha ng baril at nakipagbarilan sa mga awtoridad.

Naitakbo pa sa ospital ang suspek, pero namatay rin kalaunan.

Lumalabas na ginawang drug den ang bahay ni Calungin, kung saan isang kwarto ang nakalaan para sa pot session ng kanyang mga parokyano.

Ginawa rin umanong drug runner ng suspek ang kanyang 14-anyos na anak.

Sa kasalukuyan ay nasa kustodiya na ng barangay ang asawa at pitong anak ni Calungin.

Ayon naman sa ilang kaanak ng suspek, hindi pag-aari ni Calungin ang mga narekober na pitung pakete ng shabu, mga drug paraphernalia, kalibre .38 na baril at mga bala.

Read more...