Reklamong kriminal na inihain ni Matobato vs mga pulis na umaresto sa kanya, ibinasura ng DOJ

edgar-matobato2Inabswelto ng Department of Justice ang limang pulis na sinampahan ng Senate Witness na si Edgar Matobato ng reklamong kriminal matapos siyang arestuhin ng mga ito.

Ito ay batay sa walong pahinang resolusyon na isinulat ni Assistant State Prosecutor Charlie Guhit at may petsang June 30, 2016.

Ayon sa DOJ, walang probable cause para iakyat sa korte ang reklamong torture at arbitrary detention o paglabag sa Republic Act 9745 at Republic Act 7438 laban kina Senior Superintendent Vicente Danao, Jr.; SPO4 Arthur Lascañas, SPO2 Rizalino Aquino, SPO2 Bienvenido Furog, at SPO1 Reynante Medina.

Wala umanong sapat na ebidensya para pagbatayan ng kaso.

Hindi nakitaan ng DOJ ng paglabag sa batas ang ginawang pag-aresto ng mga pulis sa kanya nang walang mandamyento de aresto dahil siya ay nahulihan ng kalibre kwarentay singkong pistola, paso o expired na permit to carry firearms, at tatlong piraso ng magazine na kargado ng 29 rounds ng ammunition.

Dahil dito, mas binigyan ng DOJ ng bigat ang presumption of regularity sa panig ng mga respondent.

At dahil ligal ang pagkakaaresto kay Matobato, tinukoy ng DOJ na ang pagkulong sa kanya ay naaayon din sa batas.

Nabatid na nakapagsampa rin ang mga pulis ng kaukulang reklamo laban kay Matobato, at katunayan, ang mga kaso ay naiakyat na sa korte sa Davao City

Si Matobato ay nakakalaya ngayon dahil sa inilagak na piyansa.

Read more...