Sa linggong ito inaasahan na ilalahad ni Vice President Jejomar Binay ang kanyang tinaguriang “True State of the Nation Address” o TSONA.
Tugon ito ng panig ni VP Binay sa SONA ng Pangulong Noynoy Aquino na tinawag ng panig ni Binay na ‘kulang na kulang’.
Ayon kay Mon Ilagan, tagapagsalita ni VP Binay sa panayam ng RadyoInquirer, nirerespeto naman aniya ng pangalawang pangulo ang mga pahayag ni Pangulong Aquino ngunit hindi dapat na ginamit ng pangulo ang okasyon upang magpasaring sa ilang personalidad, partikular kay VP Binay.
“Well, siguro po tawagin natin na kung si GMA noon ay – tinimbang ka ngunit kulang, eh yung kay Pangulong Aquino siguro ang sabi niya ay tinimbang ka ngunit kulang na kulang.” ani Ilagan.
Tinawag ding ”unstatesmanship” ni Ilagan ang mga pagpapasaring ni Pangulong Aquino dahil isang mahalagang okasyon aniya ang State of the Nation Address at hindi dapat ginagamit sa mga pasaring.
Paniniwala rin nila aniya, kulang na kulang ang mga inihayag ni Pangulong Aquino sa kanyang SONA dahil hindi dito binanggit ang mga isyu na nakaapekto sa mga mahihirap tulad ng problema sa MRT, suweldo ng mga guro at iba pa.
Dahil dito, magiging laman aniya ng TSONA na gagawin ni VP Binay ay ang paglalahad ng tunay na sitwasyon ng bayan kasama na ang mga problema at ang mga naiisip niyang solusyon sa mga ito.
“Well ang sabi po ni Vice President, in due time. Pero siguro mas gawin nating mas specific, baka ho itong linggo na ito, hindi matatapos ang linggo na ito ay madidinig natin ang true state of the nation ng ating Vice President. Isa lamang ang importante ho dito, at sinisiguro po ng ating Vice President na sa kanyang pagbibigay ng true state of the nation sa linggong ito, siya ay magiging statesman.”
Samantala, hindi na binigyan kulay pa ng kampo ni VP Binay ang hindi pagsunod ni Pangulong Noynoy Aquino sa traditional handshake sa mga opisyal ng gobyerno at kongreso bago ang kanyang State of the Nation o SONA.
Ayon kay Ilagan, pinaniniwalaan naman nila ang dahilan ni Ginoong Aquino na masama ang pakiramdam nito kaya’t hindi na niya sinunod ang protocol.
Matapos ang SONA, nagkaroon ng mga haka-haka na ang hindi pagsunod ni Ginoong Aquino sa protocol ay para maka-iwas ito na makamayan si Binay.- Jay Dones/Jan Escosio