Batang itinali na parang aso, hindi muna ibabalik sa nanay

bataMananatili sa kostodiya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang isang taong gulang na bata na tinalian sa leeg na parang aso ng kaniyang sariling Ina.

Sa panayam ng Radyo Inquirer sinabi ni DSWD Sec. Dinky Soliman, hindi nila maaring agad ibalik ang bata sa kaniyang Nanay.

Kailangan aniyang maisalalim muna sa psychological assessment ang ina ng bata upang matiyak na maayos ang kondisyon ng pag-iisip nito at hindi na mauulit ang insidente.

“Isu-subject namin ang Ina sa psychological assessment, para malaman ang kondisyon ng mentalidad. Sinasabi kasi ng ama ng bata, mabuting Ina naman yung Nanay,” ayon kay Soliman.

Ayon kay Soliman, batay sa panayam ng kanilang mga social workers sa pamilya, isang full-time housewife ang ina ng bata at may maayos na trabaho naman ang ama kaya hindi masasabing naghihirap o naghihikahos ang kanilang pamilya.

Nangako naman si Soliman na hindi nila babawalan ang ina at ang ama ng bata na ito ay bisitahin araw – araw sa DSWD facility. Napag-alaman din ng DSWD na nag-iisang anak lang ng mag-asawa ang bata.

Nanindigan aniya ang ina ng bata na napagkatuwaan lamang niya ito nang talian at pakainin na parang isang aso.

Ipinaliwanag ni Soliman na ang proteksyon sa interest ng bata ang kanilang pangunahing layunin kaya agad nilang kinuha ang kostodiya ng bata.

Nanawagan naman si Soliman sa mga mag-asawa o nagsasama na tiyaking kaya nilang maging responsableng magulang bago isiping magka-anak.

“Unang-una bilang isang responsableng tao, bago kayo magtalik isipin niyo ang kakayahan ninyong mag-alaga ng bata. Kung kayo ay buntis na, nasa sinapupunan pa lamang ang bata, kung ano ang kinakain mo, iniisip mo, nararamdaman mo, bahagi na iyon ng paglaki ng bata sa sinapupunan mo. Kaya kung hindi kayo handang maging responsable huwag kayong mag-anak,” ayon kay Soliman. / Dona Dominguez-Cargullo

Read more...