Pinamamadali ng kampo ni Makati Mayor Junjun Binay sa Court of Appeals ang pagdedesisyon sa inihain nilang petisyon laban sa ikalawang suspension order na ipinataw sa kanya ng Tanggapan ng Ombusman.
Ayon kay Joey Salgado, tagapagsalita ni Binay, inihain nila ang motion for early resolution sa appellate court nuong isang linggo.
Nais umano nilang desisyunan na ang kaso matapos mabatid na hanggang ngayon ay hindi pa nakapagsusumite ang Office of the Solicitor General ng kumento sa inihain nilang petisyon.
Ang OSG ang kumakatawan sa Tanggapan ng Ombudsman at sa DILG na respondent sa kaso.
Matatandaan na sampung araw lamang ang ibinigay ng Court of Appeals sa OSG para magsumite ng kumento pero dalawampung araw na umano ang nakakalipas ay bigo pa rin ang kampo ng mga respondent na makapagsumite ng tugon sa petisyon.
Nito lamang a-uno ng Hulyo ay pansamantalang nilisan ni Binay ang kanyang pwesto sa Makati City Hall matapos mabigo na makakuha ng temporary restraining order laban sa ikalawan suspension order ng Ombudsman na nag-ugat sa umano’y anomalya sa konstruksyon ng Makati Science High School Building. /Ricky Brozas
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.