US Pres. Obama, inimbitahan na rin ni Duterte na imbestigahan ang mga umano’y EJKs sa bansa
Maliban kina United Nations Secretary General Ban Ki Moon at mga kinatawan ng European Union na iniimbitahan ni Pangulong Rodrigo Duterte para imbestigahan ang mga sinasabing extra judicial killings sa bansa, maging si US President Barack Obama ay inanyayahan na din ng pangulo.
Ayon sa pangulo, kung nais ni Obama na mag-imbestiga sa mga sinasabing EJKs sa bansa, welcome siya dito sa Pilipinas.
Sa talumpati ng pangulo sa pagbisita sa Police Regional Office 12 sa General Santos City, sinabi ng pangulo na ito ay para mabatid ng mga human rights group kung totoong may nagaganap na EJKs sa Pilipinas.
Aminado ang pangulo na may napapatay sa police operation kontra sa ilegal na droga, subalit lehitimo umano ang mga ito.
Iginiit pa ng pangulo na hindi kagagawan ng kanyang administrasyon ang mga natatagpuang bangkay na nakabalot ng masking tape ang katawan kundi kagagawan ito ng mga karibal sa operasyon sa droga.
Hindi aniya mag-aaksaya ang gobyerno na gumastos sa masking tape dahil wala namang balak ang pamahalaan na mag-ipon ng mga mummy.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.