Ipinababasura ni Marine Lt. Col. Ferdinand Marcelino at kaniyang kasamang Chinese sa Manila Regional Trial Court ang kasong may kaugnayan sa droga na isinampa laban sa kanila ng Department of Justice (DOJ).
Sa tulong ng Public Attorney’s Office (PAO) naghain si Marcelino at si Yan Yi Shou, ng motion to quash sa korte.
Nakasaad sa mosyon na walang probable cause para litisin ang dalawa sa kasong may kinalaman sa illegal possession of dangerous drugs.
Hiniling din ng PAO na suspindihin ng korte ang pagpapalabas ng arrest warrant at pagsasagawa ng arraignment sa dalawa.
Iginigiit nina Marcelino at Yan na nagsasagawa sila ng lehitimong operasyon nang sila ay madatnan ng mga otoridad sa loob ng isang clandestine laboratory sa Sta. Cruz Maynila noong Enero 2015.
Plano naman talaga umano nila noon na makikipag-ugnayan sa mga otoridad kapag nakumpirma ang kanilang hinala na may nakatago ngang mga sangkap ng ipinagbabawal na gamot sa nasabing lugar.
Gayunman, dumating na ang mga tauhan ng PDEA at sila ay inaresto.