DOJ, hindi pa direktang masabi na hindi umabot kay PNoy ang Bilibid drug money
Hindi pa tuluyang masabi ni Department of Justice (DOJ) Sec. Vitaliano Aguirre II na hindi umabot kay dating Pangulong Benigno Aquino III ang perang nagmula sa illegal na transaksyon ng droga sa loob ng Bilibid.
Ayon kay Aguirre, sa kaniyang naging pahayag, sinabi niya na naniniwala siyang may iba pang kasamahan o kapartido ni Senator Leila de Lima na nagbenepisyo o nakinabang sa Bilibid money.
Pero hindi umano niya tinukoy mismo ang pangalan ni Aquino.
Nang tanungin naman ng Radyo Inquirer si Aguirre kung direkta na ba niyang masasabi na “hindi nakinabang si dating Pangulong Aquino sa Bilibid money” batay sa mga hawak niyang ebidensya o testimonya, sinabi ni Aguirre, na hindi pa niya ito masasabi sa ngayon.
Ani Aguirre, mangangalap pa ang DOJ ng dagdag na mga ebidensya at pahayag hinggil sa kung hanggang kanino talaga nakarating ang Bilibid money.
Kahapon sinabi ni De Lima na nakakatawang maging si dating Pangulong Aquino ay idinadawit ni Aguirre sa isyu.
Tinawag din ni De Lima na outrageous at laughable ang bintang na nagbebenipisyo si Aquino sa pera mula Bilibid.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.