Samson, sinampahan ng kasong libelo

Inquirer file photo

Sinampahan na ng reklamong libelo ng Iglesia ni Cristo si Isaias Samson Jr., ang dating Editor-In-Chief ng “Pasugo” at dating kasapi ng Sanggunian nito.

Itiniwalag si Samson ng Iglesia ni Cristo dahil sa diumano’y mga mapanirang mga pahayag nito laban sa INC.

Inihain sa Quezon City Prosecutor’s Office ang nasabing reklamo na nakatakdang i-raffle sa linggong ito upang matukoy kung kaninong judge mapupunta ang kaso.

Matatandaang lumutang si Samson noong nakaraang linggo at isiniwalat ang umano ay korupsyon ng ilang mga miyembro ng sanggunian ng INC.

Kasama na rin sa isiniwalat ni Samson ang pagdukot umano sa kanya at ilan pang mga ministro ng kanilang simbahan na kumukuwestyon sa hakbangin ng sanggunian.

Una rito, lumantad sa isang Youtube video sina Ka Tenny at Angel Manalo, ina at kapatid ng Punong Ministro na si Eduardo Manalo at ibunyag ang banta sa kanilang buhay at ilan pang mga ministro ng Iglesia.

Si Samson ay umaming nagtatago dahil sa pangamba sa kaligtasan niya at ng kanyang pamilya./Jay Dones

 

Read more...