De Lima may milyun-milyon sa bangko-Aguirre

 

Marianne Bermudez/Inquirer

Nagsumite na ng mga dokumento ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) na nagpapakita ng umano’y mga iligal na drug transactions na posible umanong napunta sa mga bank accounts ni Sen. Leila De Lima.

Sa panayam ng Inquirer, sinabi ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na naglalaman ang mga naturang dokumento ng mga transaksyon na umaabot sa pagitan ng P500 milyon hanggang isang bilyong piso.

Aniya, natanggap ng DOJ ang naturang mga dokumento mula sa AMLC na nag-iimbestiga rin ng mga bank transactions mula sa mga drug syndicates na nag-ooperate sa New Bilibid Prisons

Gayunman, aminado si Aguirre na hindi nila inaasahang makikita sa mga transaksyon ang pangalan ni De Lima dahil gumagamit ito ng ibang tao sa pagkolekta ng pera mula sa mga drug lords.

Hindi pa rin nila aniya maaring isiwalat ang ilan pang detalyeng nilalaman ng mga dokumento hangga’t hindi pa naisasapormal ang paghahain ng kaukulang reklamo laban sa senadora.

Matatandaang matapos ang dalawang araw ng pagdinig sa senado, naniniwala si Aguirre na may sapat nang batayan upang makapaghain ng kaukulang kaso laban kay De Lima dahil sa pagkakasangkot nito sa drug trade sa loob ng NBP.

Sa kanyang panig, tiwala si De Lima na walang makikitang iregular ang mga umaakusa sa kanya sa kanyang mga bank records.

 

Read more...