Mariing itinanggi ng dating Philippine Drug Enforcement Agency Special Enforcement Service Unit chief at Marine Lt. Col. Ferdinand Marcelino ang pahayag ni Sen. Leila de Lima na pini-pressure siya ng gobyerno para tumestigo laban sa senadora.
Sa isang press conference, sinabi ni Marcelino na walang nananakot sa kanya para lamang isiwalat ang kanyang mga nalalaman laban kay De Lima.
Una nang inihayag ni De Lima na may natanggap siyang mensahe mula umano sa mistah ni Marcelino kung saan nakasaad na may grupong kumukumbinsi sa dating opisyal ng PDEA para magsalita laban sa mambabatas.
Nakasaad din sa naturang mensahe na tumitindi umano ang pressure laban kay Marcelino at muli pang bubuksan ang kanyang kaso.
Binanggit ni Marcelino na ang laman ng naturang text message niya sa kanyang mistah ay ‘word of encouragement’ lamang para kay De Lima at hindi tungkol sa pananakot sa kanya ng gobyerno.
Matatandaang noong Hunyo, ibinasura ng Department of Justice ang illegal drugs case laban kay Marcelino at sa Chineses national na si Yan Yi Shou.
Pero sa bagong resolusyon na inilabas ng DOJ, binawi nito ang ruling at muling inihain ang naturang kaso ni Marcelino sa korte.