Child sexual abuse cases sa Jehova’s Witness sa Australia, nabunyag

July 28, 2015 - 04:02 PM

Mula sa fightforvictims.com

Sinimulan na sa Australia ang public hearing sa mga alegasyon ng umano’y pagkakasangkot ng ilang mga kasapi ng relihiyong Jehova’s Witness sa mahigit sa isanlibong kaso ng child sexual abuse simula pa noong dekada singkwenta at ang alegasyong sadya itong itinago sa pulisya upang hindi mabahiran ng kontrobersiya ang kanilang simbahan.

Sa opening day ng Royal Commission hearing, narinig ang testimonya kung paano itinago ng kanilang simbahan ang mga kaso ng pangmomolestya ng ilan nilang mga pinuno sa ilang mga kabataang miyembro at ang pagsunog ng ilang mga kalatas at records upang itago ang iskandalo sa publiko at kanilang hanay.

Si Max Horley na humarap sa pagdinig ay isang dating elder ng Jehova’s Witness Congregation sa Narrogin, Western Australia noong dekada otsenta na nagpaliwanag na kanyang nakapanayam ang isang babae na nakilala lamang sa alyas nitong BCB kaugnay sa naging relasyon nito sa isa pang church elder na nakilalang si Bill Neill.

Ikinwento aniya ni alyas BCB kung paano siya sinimulang molestyahin at pagsamantalahan ni Neill noong siya ay kinse anyos pa lamang.

Nang mabunyag ang pangmomolestya, isinalang sa pagpupulong si BCB ngunit hindi ito sineryoso ng mga elder ng Jehova.

Inamin din ni Horley na sinusunog din ang mga notes na nakukuha mula sa pagpupulong dahil sa pangambang mapunta ang mga ito sa mga maling kamay at ng kanilang mga maybahay.

“We do not want our wives knowing our stuff – what sort of things we are dealing with,” ayon kay Mr. Horley.

Ayon pa kay Horley, hindi nila ipinarating sa pulisya ang mga kaso ng sexual abuse dahil hindi nila ito itinuring na isang criminal matter.

May 68 libong miyembro ng Jehova’s witness sa Australia./ Jay Dones

 

 

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.