Pinaka-malaking shabu laboratory sa bansa sinalakay sa Pampanga

pdea-region-3
Photo: PDEA Region 3

Nadiskubre ng mga tauhan ng Philippine National Police at Phillippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa paanan ng Mt. Arayat sa Pampanga ang pinaniniwalaang pinaka-malaking shabu laboratory sa bansa.

Sa ulat ni SSupt. Rodolfo Rocamora, Director ng Pampanga Provicial Police Office,  naglalaman ng pitong malalaking hydrogenators ang nasabing shabu lab.

Ang bawat isang hydrogenator ay may kakayahang gumawa ng hanggang sa 100 kilo ng shabu kada araw ayon sa naturang PNP official.

Ipinaliwanag ni Rocamora na walang nahuli sa kanilang ginawang operasyon at wala rin silang nabawi na finished product sa lugar.

Ang nasabing shabu laboratory ay nasa loob ng isang piggery tulad nang naunang nadiskubreng pagawaan ng shabu sa bayan ng Magalang, Pampanga kamakailan.

Sinabi naman ni Supt. Samuel Sevilla, hepe ng Arayat Municipal Police Station na nakatakas ang mga tauhan ng nasabing shabu laboratory bago pa man sila dumating.

Kasalukuyang nagasasagawa ng inventory ang mga tauhan ng PNP at PDEA sa lugar.

Read more...