Dismayado si Senator Grace Poe sa hindi pagsipot ng mga Metro Mayors sa pagpapatuloy ng pagdinig ngayong araw ng senado hinggil sa panukalang mapagkalooban ng emergency powers si Pangulong Rodrigo Duterte para masolusyonan ang problema sa traffic sa Metro Manila.
Sa pagdinig ng Senate committee on public service na pinamunuan ni Poe, tanging si Quezon City Mayor Herbert Bautista lamang ang dumating, habang si San Juan City Mayor Guia Gomez ay kinatawan ng anak niyang si Senator JV Ejercito.
Present din sa pagdinig si Calamba City Mayor Justin Marc Chipeco.
Sinabi ni Poe na dahil sa Metro Manila pinakamatindi ang problema sa traffic, mahalagang makapagbigay ng kanilang pahayag at panukalang solusyon ang mga alkalde sa isyu.
Maliban kina Bautista at Gomez, inimbitahan din na dumalo sa pagdinig sina Manila Mayor Joseph Estrada, Caloocan City Mayor Oscar Malapitan, Pasay City Mayor Antonio Calixto, Mandaluyong City Mayor Carmelita Abalos, Muntinlupa City Mayor Jaime Fresnedi, Pasig City Mayor Roberto Eusebio, at Makati City Mayor Abigail Binay.