Testimonya ng mga Bilibid witnesses, sabi-sabi lang ayon sa isang mambabatas

By Kabie Aenlle September 22, 2016 - 04:37 AM

 

Kuha ni Fritz Sales

 

Lima pang mga Bilibid convicts ang iniharap ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II sa pagdinig kahapon sa House of Representatives para iugnay si Sen. Leila de Lima sa kalakalan ng iligal na droga sa loob ng National Bilibid Prison (NBP).

Sa ikalawang araw ng pagdinig, hinarap ng mga NBP inmates ang House committee on justice kung saan inakusahan nila si De Lima ng pagkakasangkot sa multi-bilyong operasyon ng droga sa loob ng piitan para magkaroon siya ng pondo para sa kaniyang senatorial campaign.

Ngunit bagaman mga bagong testigo na ang humarap kahapon, wala naman silang ibang bagong impormasyon na naibigay bagkus ay kinumpirma o sinuportahan lang nila ang mga testimonya ng mga naunang tumestigo laban sa senadora.

Hindi rin sinabi ng mga bagong testigo na direkta silang nagbigay ng pera kay De Lima, pero ayon sa kanila ay dineposito lamang nila ito sa mga bank accounts ng mga katiwala ng senadora tulad ng gang leader na si Jaybee Sebastian.

Tulad na lamang ng testimonya ng murder convict na si Jojo Baligad kung saan sinabi niyang nagbigay siya ng P3.8 million sa mga operasyon ng droga, at sinabi lang sa kaniya ni Herbert Colanggo na ang P1.5 million dito ay napunta kay De Lima.

Itinanggi naman ni Aguirre na “rehearsed” ang kaniyang mga testigo, habang iginiit naman ni Atty. Ferdinand Topacio na hindi pinwersa ang mga preso para magbigay ng kanilang mga testimonya.

Samantala, tinawag ng isang kongresista na sabi-sabi lamang ang mga testimonya ng iba pang inmates ng National Bilibid Prison laban kay Sen. Leila De Lima.

Sa ikalawang pagdinig ng House committee on justice, ginisa ni Siquijor Rep. Ramon Rocamora ang murder convict na si Hans Anton Tan tungkol sa pag-uugnay nito kay De Lima sa iligal na droga sa pamamagitan ng sinasabing pamangkin umano ng senadora na si Jose Adrian Dera.

Sinabi kasi ni Tan na si Dera na pamangkin ni De Lima ay tumanggap ng milyun-milyong drug money mula sa drug lord na si Peter Co para sa kampanya ng senadora.

Dito na tinanong ni Rocamora si Tan kung personal niya bang nalaman na nagtatrabaho si Dera sa security ni De Lima.

Ngunit ayon kay Tan, nalaman lang niya ang tungkol dito nang dumalaw sa Bilibid si Solicitor General Jose Calida sa piitan dalawang buwan na ang nakalilipas.

Kinwestyon naman ni Rocamora ang isa pang witness na si Jaime Patcho kung paano nakapangalap ng campaign funds si kidnap convict Jaybee Sebastian para kay De Lima.

Ayon kay Patcho, si Sebastian ang nagsabi sa kaniya na lumilikom siya ng pondo para kay De Lima.

Dahil dito, tinawag ni Rocamora ang mga pinagsasabi ng mga testigo na pawang mga “hearsay” lamang dahil wala namang personal na nalalaman ang mga ito bukod sa mga ipinasang impormasyon sa kanila.

Itinanggi naman ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre na sabi-sabi lang ang sinabi ng mga testigo at iginiit na may sapat na dahilan para ipatawag sa korte si De Lima.

 

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.