10-point socio-economic agenda ng Duterte admin, suportado ng Spain

 

Sinusuportahan ng pamahalaan ng Spain ng 10-point socio-economic agenda ng administrasyong Duterte, partikular na ang reporma sa buwis at planong pagpapabilis ng paggastos para sa imprastruktura, ayon sa Department of Finance o DOF.

Ipinahayag ito ng Spanish Ambassador to Manila na si Antonio Calvo Castaño, ayon sa ahensya.

Plano ng Pilipinas na palakihin ang gastos sa imprastruktura sa 5% ng Gross Domestic Product o GDP mula sa 3%.

Ayon kay DOF Secretary Carlos Dominguez III, makatutulong ang mas malaking paggastos sa imprastruktura sa labas ng National Capital Region sa pagbaba ng kahirapan sa 17% sa pagtatapos ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa 2022.

Sinabi ni Castaño na may mga kumpanyang nais mamuhunan sa mga imprastruktura ng bansa, partikular na sa mga proyekto ng tren. Aniya, ikalawa ang Spain sa may pinakamalawak na high-speed railway network, kasunod ng China.

Dagdag ni Castaño, progresibo ang planong reporma sa buwis ng DOF, at mababawasan nito ang paghihirap ng middle class at vulnerable sectors.

Bababaan nito ang personal at corporate income taxes, at pagpapasimple at pagsasaayos ng pangangasiwa ng buwis.

Napag-usapan din nina DOF Secretary Dominguez at Spanish Ambassador Castaño ang panukalang memorandum of understanding on economic and financial cooperation sa pagitan ng Spain at ng Pilipinas.

 

Read more...