De Lima “regular visitor” ni Jaybee Sebastian sa Bilibid

congress-drugs1
Photo: Isa Umali

Ibinunyag ng isang Commander ng Sigue-Sigue Commando na regular na bisita ng kanilang pinuno na si Jaybee Sebastian si Sen. Leila de Lima mula pa noong buwan ng Enero taong 2013.

Sa kanyang pagharap sa pagdinig ng Kamara kaiugnay sa illegal drug trade sa New Bilibid Prisons, sinabi ni Noel Martinez na noong Enero 2013 una niyang nakita sa opisina ni Sebastian si de Lima.

Nasundan pa umano ng maraming pagkakataon ang nasabing pagbisita ng dating kalihim ng DOJ hanggang sa ipinakilala kay de Lima ang iba pang mga lider ng mga grupo sa Bilibid.

Personal din umano siyang kinausap ni Sebastian na tumulong sa pag-iipon ng pondo para sa kandidatura ni de Lima.

Gusto umano ni Sebastian na gawing “centralized” ang koleksyon ng pondo para sa dating kalihim.

Kapalit umano ng nasabing pondo ang sapat na proteksyon at VIP treatment sa loob ng Bilibid.

Bukod kay de Lima, regular din umanong nangongolekta sa kanilang hanay si Junel Sanchez na isa sa mga pinagkakatiwalaang tauhan ng mambabatas.

Idinetalye rin ni Martinez na regular na tumatanggap sa kanya ng P500,000 na buwanang suhol si dating Bucor Director Franklin Bucayu sa pamamagitan ng tauhan nito na si “Col. Elly”.

Read more...