Dating pinuno ng CIDG idinetalye kung paano silang binalewala sa NBP drug raid

magalong1
Inquirer photo

Aminado ni dating PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director Benjamin Magalong na masama ang kanyang loob kay dating Justice Secretary at ngayo’y Sen. Leila de Lima.

Buwan ng Setyembre noong 2014 nang ilatag ng grupo ni Magalong ang Oplan Cronus base na rin sa kanilang mga nakuhang impormasyon kaugnay sa talamak na drug trade sa loob ng New Bilibid Prisons.

Sa mga naunang pagpa-plano ay kasama ang CIDG at ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pagbuo ng operational plan kaugnay sa gagawin nilang pagsalakay sa loob ng Bilibid.

Pero makalipas ang ilang linggo ay bigla umanong pumunta sa kanyang tanggapan sa Camp Crame si dating Bureau of Corrections (Bucor) Director Franklin Bucayu.

Nakiusap umano si Bucayu na huwag nang ituloy ang raid sa NBP dahil malalagay sa panganib ang kanyang buhay pero hindi naman niya idinetalye kay Magalong ang nasabing pahayag.

Nakiusap pa umano ang dating pinuno ng Bucor kay Magalong na kausapin si de Lima para sa isang pagpupulong.

Doon umano nagulat si Magalong dahil si de Lima ang direktang may supervision kay Bucayu bilang pinuno ng NBP.

Buwan ng Disyembre 2014, naganap ang pagsalakay sa NBP pero ito’y naisakatuparan sa pamamagitan ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation at NBP personnel.

Nagtataka si Magalong dahil hindi isinama ang CIDG at PDEA sa nasabing operasyon.

Kaagad umanong nakipag-ugnayan si Magalong sa noo’y pinuno ng PDEA na si Director General Arturo Cacdac, pero maging ito ay nagulat dahil hindi na sila isinama sa nasabing operasyon.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig sa Kamara, sinabi ni House Majority Leader Rudy Fariñas na nakakapagtaka dahil sinolo ng NBI at Bucor ang operasyon.

Ang NBI at Bucor ay nasa ilalim ng DOJ na noo’y pinamumuan ni de Lima.

Makalipas ang nasabing raid ay kaagad na inilipat sa NBI detention center sa Maynila ang labing-siyam na mga high value prisoners ng NBP na kinabibilangan nina Herbert Colanggo at Peter Co.

Sa kanyang testimonya sa Kamara kahapon, sinabi ni Colanggo na sa mga panahong iyun nasolo ni Jaybee Sebastian ang operasyon ng droga sa loob ng NBP.

Read more...