De Lima, pinapupunta sa bansa ang kinatawan ng UN para mag-imbestiga sa EJKs

Kuha ni Jong Manlapaz
Kuha ni Jong Manlapaz

Hinihikayat ni Senador Leila de Lima ang United Nations o UN na dumayo sa bansa para makita ang kaganapan ng extrajudicial killings at summary executions sa gitna ng pagpapaigting ng pamahalaan sa pakikipaglaban kontra iligal na droga.

Naghain ng resolusyon sa senado si De Lima na nag-uudyok sa ehekutibo, sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA) na anyayahan ang UN Special Rapporteur on Extrajudicial, Summary or Arbitrary Executions na bisitahin ang bansa para mag-imbestiga.

Ibinahagi ng senador ang aniya’y nakababahalang bilang ng mga napapatay.

Aniya, tinatayang 42 katao ang namamatay kada araw sa nakalipas na dalawa’t kalahating buwan simula nang maupo sa pwesto si Pangulong Rodrigo Duterte.

Isinaad din ni De Lima ang testimonya ng umano’y dating hitman ng Davao Death Squad o DDS na si Edgar Matobato na pinaslang ng DDS ang mahigit 1,000 katao sa Davao City sa utos ni Duterte na dating mayor ng lungsod.

Hindi naman inaasahan ni De Lima na magsasagawa ng imbestigasyon sa extrajudicial killings at summary executions ang ehekutibo, maging ang Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI).

Naniniwala ang senador na malalaman lamang daw ang katotohanan sa lahat ng ito at maibibigay lamang ang hustisya kapag may third-party na mag-iimbestiga rito.

 

 

 

Read more...