Duterte walang kinalaman sa De Lima ouster, giit ng mga kaalyado
Nilinaw ng mga kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte na wala siyang kinalaman sa desisyon sa Senado na patalsikin bilang chairman ng Senate Committee on Justice si Sen. Leila de Lima.
Ayon kay Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III, hindi siya inimpluwensyahan ni Pangulong Duterte, at hindi rin nito sinubukang gawin ito.
Paliwanag pa ng senador, sarili niyang desisyon ang kaniyang ginawa.
Para naman kay Senate Majority Leader Vicente Sotto III, ang majority na nanaig noong Lunes ay para lamang sa mas ikabubuti ng bansa.
Wala aniyang kinalaman si Duterte sa kanilang desisyon, at iginiit niya rin na pareho sila ng mga kapwa niya senador na hindi nagustuhan ang kinahinatnan ng pagdinig.
Wala rin naman umanong ideya si Sen. Panfilo Lacson na pinuno ng committee on public order and dangerous drugs, na magkakaroon ng botohan para alisin si De Lima sa kaniyang komite na sinimulan ng mosyon ni Sen. Manny Pacquiao.
Sinabi naman ni chief presidential legal counsel Salvador Panelo, kasalanan ito ni De Lima, at hindi naman nangingialam ang pangulo sa kapantay na sangay ng gobyerno o kahit pa impluwensyahan ang mga hakbangin nito.
Gayundin ang sinabi ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar kung saan iginiit niya na independent ang Malacañang sa Senado.
Matatandaang 16 na senador ang bumoto para maalis si De Lima sa komite.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.