Ex-girlfriend ni QC Councilor Hero Bautista, nawawala

 

Inquirer file photo

Simula pa noong nakaraang linggo ay nawawala na ang dating live-in partner ni Quezon City Councilor Hero Bautista.

Ito ay ayon sa report mismo ng kaniyang pamilya sa Quezon City Police, dalawang araw matapos siyang mawala.

Nakasaad sa report sa Quezon City Police District (QCPD) Eastwood Station na nawawala na si Rio April Santos alyas “Choi” mula pa noong September 12.

Ayon sa kaniyang ina na si Emiliana Santos, huli siyang nakita alas-7:30 ng gabi sa kanilang condominium sa Eastwood sa Brgy. Bagumbayan.

Lumabas lang aniya ang kanilang anak noong Lunes ng gabi para bumili ng tubig at sinabing may kakausapin siya.

Gayunman, hindi na bumalik si Choi o kahit man lang nakipag-ugnayan sa kanila sa anumang paraan mula nang umalis ito, kaya naisip na ni Santos na i-report ito sa pulisya.

Una nang nabanggit ang pangalan ni Choi sa mga naunang reports dalawang taon na ang nakakaraan nang matukoy siya bilang dating live-in partner ni Bautista na kamakailan lang ay nag-positibo sa droga at kusang nagpa-rehab.

Nabanggit sa ulat na isang kasong grave threat ang isinampa laban sa isang Wilfredo Valerio na tinukoy bilang live-in partner ni Choi noong panahong iyon, na ayon sa isang testigo ay suspek sa tangkang pagpatay kay Bautista.

Noong Martes, lumabas naman ang mga ulat na sangkot rin si Choi sa iligal na droga at nadawit pa siya sa napatay na kapatid ni Maritoni Fernandez na si Aurora Ma. Moynihan.

Read more...