Matapos maisiwalat sa house probe, cellphone ni De Lima pinutakti ng libu-libong ‘hate messages’

 

Kuha ni Jan Escosio

Tinawag na ‘kabastusan at foul’ ni senador Leila De Lima ang pagkakalalantad sa house committee hearing ng kanyang personal na cellphone number at maging home address sa naturang pagdinig.

“They have basically destroyed my right to privacy and security in my communications and in my abode. I am now literally a persecuted person displaced from my home.” Pahayag ng senadora sa isang statement.

Dahil aniya sa mistulang pag-aanunsyo sa publiko ng kanyang cellphone number, nakatanggap na siya ng mahigit sa 2,000 tawag at text message na nagbabanta at nangha-harass sa kanyang pagkatao mula sa mga hindi nagpapakilalang tao.

Ngayon aniya, maging ang publiko ay ginawa nang ‘weapons of destruction’ laban sa kanya ng mga nais sumira sa kanyang hangaring mabunyag ang katotohanan sa isyu ng extrajudicial killings sa bansa.

Ito aniya ang ginagawa ng kasalukuyang administrasyon sa sinumang bumabatikos at pumupuna sa kanilang mga ginagawang pang-aabuso sa tungkulin.

Ang numero at address ni De Lima ay naisiwalat sa house probe nang sabihin ng convicted drug lord na si Herbert Colangco na nagagawa niyang makausap si De Lima noong ito ay kalihim pa ng DOJ.

Mariin namang itinatanggi ni De lima ang akusasyon na tumanggap at nanghihingi siya ng milyun-milyon kay Colangco para sa kanyang kampanya noong nakaraang eleksyon.

Read more...