Naglunsad ang Radyo Inquirer ng panimulang hakbang para sa ilulunsad na youth volunteers na balak na tawaging Young Inquirers o YIN.
Nagsama-sama ang humigit kumulang 50 kabataan mula sa iba’t-ibang unibersidad sa Media Resource Plaza Building ng Makati City kamailan bilang bahagi ng orientation and workshop para sa bubuuing YIN.
May temang “Kabataang nagtatanong,kabataang nag-uusisa” ang orientation workshop ay dinaluhan ng mga kabataang kasapi ng Voice of the Youth Network (VOTY) mula sa iba’t ibang kolehiyo at unibersidad sa Metro Manila. Ang grupo na pinamumunuan ni Pocholo Gonzales ay may mga kasapi din mula sa iba pang kolehiyo sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Ayon kay Arlyn Dela Cruz, News Director ng Radyo Inquirer, ang mga kabataang mapipili ay magsisilbing mata at tenga ng istasyon na makakaagapay sa pangangalap ng mga balita na maaaring i-ambag hindi lamang para sa himpapawid kundi para din sa radyo.inquirer.net. “Ang pamamahayag ay malaking responsibilidad. Kapag nasanay na nang husto ay magiging kaagapay namin kayo sa paghahatid ng mga balita,” ani Dela Cruz.
Pauna ay nagbigay ng mga topics para sa news feature si Dela Cruz at ang makakapasang panulat ay mababasa sa website ng Radyo Inquirer.
Sinabi naman ni Jake Maderazo, Station Manager ng Radyo Inquirer na malaki ang magagawa ng mga youth volunteers hindi lamang sa pangangalap ng balita kundi sa pagsusulong ng serbisyo publiko ng himpilan. “Naniniwala kami sa malasakit ng mga kabataan, naniniwala kami sa kalakasan ng mga kabataan na makapag-lingkod sa bayan sa pamamagitan ng pangangalap ng tamang impormasyon,” ayon naman kay Maderazo.
Ang pagtitipong ito ay masusundan pa sa mga susunod na buwan hanggang sa mabuo ang grupong tatawaging Young Inquirers o YIN./ Kath Cruz-UP Diliman, Ma. Selina D. De Guzman-Roosevelt College