Pinlano umano ang ginawang paglilipat sa mga high-profile inmates sa National Bureau of Investigation (NBI) noong December 2014.
Sa kaniyang pagharap sa House Justice Committee, sinabi ni Retired Police Major Rodolfo Magleo na ang gang leader na si Jaybee Sebastian ang nasa likod kaya nailipat ang tinaguriang “Bilibid 19” sa NBI.
Si Magleo ay isang convicted kidnapper at adviser ni Sebastian.
Ani Magleo, malakas si Sebastian kay Senator Leila De Lima na noon ay justice secretary pa at nagtutungo umano ang senadora sa kubol ni Jaybee nang sila lamang ang dalawa sa loob at tumatagal sila doon ng dalawa hanggang tatlong oras.
Ani Magleo, isang gabi bago mailipat sa NBI ang mga high-profile inmate, binanggit na sa kaniya ni Jaybee ang mangyayari.
Doon umano niya napatunayan kung gaano kagaling at kalakas si Jaybee kay De Lima, dahil matapos maipatapon sa NBI ang Bilibid 19, ay naging “King of Drug Lords” si Jaybee sa Bilibid.
“A night before ang pagtransfer, sinabi niya (Sebastian) na mawawala na ang mayayabang at malalaki ang ulo sa Bilibid. The move was well-planned,” ani Magleo.
Ang nasabing Bilibid 19 umano ay hindi nakipag-cooperate noon sa drug operation ni Sebastian, kaya sila naipatapon sa NBI.
Magugunitang dinala sa NBI ang mga high-profile inmates matapos ang ginawang pag-galugad sa Bilibid na nagresulta sa pagkakadiskubre ng mararangyang pamumuhay nila sa bilangguan.