Masyadong mahaba at hindi nakabatay sa kung ano ang kabuuang larawan. Ito ang puna ni Prof. Clarita Carlos sa naging huling State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Benigno Aquino III.
Ang talumpati ng pangulo ay umabot ng dalawang oras at walong minuto.
“It was super long. You lose your audience after 30 minutes, it is a definition of torture,” ayon kay Carlos nang makausap ng Radyo Inquirer.
Ito na aniya ang pinakamahabang talumpati sa SONA ng pangulo ng bansa ayon kay Carlos. “Ito ang pinakamahabang SONA na nadinig ko in all of my 70 years. Kailangan mo ba talagang pasalamatan lahat? Kulang na lang pati aso at pusa pasalamatan mo?,” dagdag pa ni Carlos.
Sinabi ni Carlos na hindi ang kabuuang larawan o ‘big picture’ ang inilatag ng pangulo. Wala din aniyang istraktura o konteksto ang mga pahayag ni Pangulong Aquino lalo na sa pagsasalarawan sa laban ng pamahalaan kontra kahirapan. Hindi aniya tamang angkinin ng administrasyong Aquino ang anumang tagumpay sa paglaban sa kahirapan.
“Ang gestation ng project ay mahaba, so no one can say na “napababa ko ang poverty”, because the seeds have been planted for many years before you came in. Kung gullible ka, you’re going to take the data as they were presented,” paliwanag ni Carlos.
Ibang usapan pa ani Carlos kung talagang bumaba na ang antas ng kahirapan sa bansa.
Ang iba pang bahagi ng talumpati ng pangulo ani Carlos ay wala ring istrakturang masasabi.
Ngunit sa tingin ni Carlos ay dapat ding papurihan si Pangulong Aquino para sa pagsisikap at layunin.
“For effort and intention, dapat siyang papurihan,” ani Carlos./Gina Salcedo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.