9 ang patay sa nakalipas na magdamag sa Metro Manila

By Dona Dominguez-Cargullo September 20, 2016 - 12:43 PM

Kuha ni Jong Manlapaz
Kuha ni Jong Manlapaz

Pitong drug suspects ang napatay sa magkakahiwalay na drug buy-bust operations at dalawa pa ang nasawi na hinihinalang biktima ng summary execution simula Lunes ng gabi hanggang umaga ng Martes.

Sa Lacson Avenue sa Sampaloc Maynila, isang hindi nakilalang lalaki ang natagpuang patay ng mga opisyal ng Barangay.

Nakarinig ng tatlong putok ng baril sa lugar at nang tignan ay nakita ang katawan ng biktima na iniwanan pa ng karatula na nagsasabing siya ay drug pusher.

Narecover mula s abiktima ang tatlong sachet ng pinaghihinalaang shabu.

Samantala, sa Dagupan Extension naman sa Tagyuman, isang katawan din ng lalaki ang natagpuang patay.

Ayon sa mga testigo, nakita pa nilang tumatakbo ang biktima habang pinagbababaril ng hindi nakilalang mga suspek.

Nakuha mula sa biktima ang isang sachet ng hinihinalang shabu.

Sa panulukan naman ng Algeciras at Maria Clara streets sa Sampaloc, napatay sa isinagawang buy-bust operation ng mga pulis ang dalawang hinihinalang drug pushers.

Isa sa mga suspek ay nakilala lamang sa pangalang Larry.

Ayon kay Senior Inspector Pidencio Saballo Jr., hepe ng Manila Police District (MPD) Station 4, nanlaban ang dalawa sa mga pulis habang isinasagawa ang buy-bust.

Nakumpiska mula sa dalawang suspek ang mga armas at isang granada.

Napatay din ng mga tauhan ng MPD ang hinihinalang drug pusher na si Jose Rueda, 33-anyos sa isinagawang buy-bust operation sa Blumentritt Road.

Ayon kay Chief Inspector Marlon Mallorca, pinuno ng Blumentritt Police Community Precinct, aarestuhin sana ng mga pulis si Rueda nang bigla itong bumunot ng baril at saka pinaputukan ang mga otoridad.

Gumanti naman ng putok ang mga pulis dahilan para mapatay nila si Rueda.

Nakuha mula kay Rueda ang anim na sachets ng shabu at isang .38 revolver.

Sa hiwalay na operasyon, isang Buboy Centeno naman ang napatay sa Hermosa Street sa Tondo nang mga pulis na nagsasagawa din ng buy-bust.

Samantala, sa Quezon City, dalawang hinihinalang drug pushers ang napatay sa isinagawang buy-bust operation, isa sa kanila ay nakilala sa alyas na Buboy Bulong

Ayon sa QCPD, si Bulong at isa pang suspek ay napatay sa isinagawang operasyon sa Fernandez Street, Barangay San Antonio.

Nasabat mula sa suspek ang ilang sachets ng shabu at dalawang.38 revolvers.

Habang sa lungsod ng San Juan, napatay din sa operasyon ng pulisya ang isang nagngangalang Bobby Waray sa Barangay Corazon de Jesus.

Nakuha mula sa suspek ang isang .38 revolver at dalawang sachets ng shabu.

 

TAGS: anti illegal drugs operation, anti illegal drugs operation

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.