Si De Lima ang nag-plano ng pagtutulak naming ng droga sa Bilibid-Colanggo
Sa kaniyang isinumiteng sinumpaang salaysay sa nagpapatuloy na pagdinig ng kamara kaugnay sa illegal drug trade sa New Bilibid Prison, sinabi ng high-profile inmate na si Herbert Colanggo na si Senator Leila de Lima ang nagplano ng pagtutulak nila ng droga sa loob ng bilangguan.
Ayon kay Colanggo, nagsimula ang operasyon taong 2014 noong si De Lima pa ang kalihim ng Department of Justice (DOJ).
Kwento ni Colanggo sa kaniyang simumpaang salaysay, January 2014 nang siya ay lapitan noon ng isa pang high-profile inmate sa Bilibid na si Jaybee Sebastian at sinabihan siya na kausapin niya ang kaniyang mga miyembro para magtulak ng droga.
Makalipas ang dalawang linggo, sinabi ni Colanggo na isang Joenel Sanchez naman ang kumausap sa kaniya hinggil sa pagtutulak ng droga at si De Lima umano ang nagplano nito.
Nang panahon na iyon, sinabi ni Colanggo na hindi na siya nakipag-usap kay Sebastian dahil nag-aaway sila nito at wala siyang tiwala dito.
Sa makatuwid, ayon kay Colanggo, nagkasundo sila ni Sanchez, at sa umpisa ng operasyon, nakapagbebenta siya at kaniyang grupo ng 5 kilo ng shabu kada 15 araw o 10 kilo ng shabu kada buwan.
Ani Colanggo, November 2014 muli siyang kinausap ni Sanchez at inatasan siyang i-centralize na ang operasyon, inatasan din umano siya nito na kuhanan ng 30 hanggang 50 kilograms ng shabu ang mga bigtime drug lords at saka takbuhan o huwag bayaran ang mga ito.
Pero dahil sa pangambang siya ay mapag-initan, hindi ito ginawa ni Colanggo. Aniya, tiwala naman siya noon na hindi siya ipapatapon dahil nagbibigay siya ng P3 milyon na payola noon kay De Lima at P1.5 milyon naman sa “director” na hindi niya pinangalanan.
Pero December 2014, dinala sa National Bureau of Investigation si Colanggo kasama ang iba pang high-profile inmates.
Ayon pa kay Colanggo, nakausap pa niya noon si De Lima at sinabi niya dito na pumapayag na siya sa nais ni Joenel at Ronnie Dayan, basta’t huwag lamang siyang ipapatapon at agad siyang ibalik sa maximum security compound.
Pinangakuan umano siya noon ni De Lima na pansamantala lang siyang mamamalagi sa NBI, pero sinabi ni Colanggo na inabot siya doon ng walong buwan.
Habang si Sebastian ay nanatili sa Bilibid at natuklasan na lamang umano niya na ito na ang namuno sa centralized drug operation sa Bilibid.
Batay sa affidavit, September 13, 2016 nang ito ay panumpaan at pirmahan ni Colanggo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.