Kapalaran ni Matobato, hindi pa malinaw matapos mapatalsik si De Lima bilang Justice Committee Chair ng Senado

Edgar Matobato2Matapos mapatalsik kahapon si Senator Leila De Lima bilang chairperson ng Senate Committee on Justice and Human Rights, hindi pa malinaw ang magiging kapalaran ni Edgar Matobato, ang self-confessed member ng Davao Death Squad na tumestigo sa senado noong nakaraang linggo.

Ngayong si Senator Richard Gordon na ang bagong chairman ng committee, hindi pa tiyak kung may bearing o kikilanin ng komite ang lahat ng naging salaysay ni Matobato.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Gordon na pag-uusapan muna ng Mataas na Kapulungan ang magiging kapalaran ni Matobato kabilang na ang lahat ng kaniyang mga nailahad sa pagdinig ng senado na sumentro sa umano ay patayan sa Davao City.

Ani Gordon, unang-una, msimong si Senate President Koko Pimentel III ay tumutol sa hirit na mabigyang proteksyon si Matobato.

Hindi kasi aniya nakonsulta man lang ang senate president hinggil sa pagtestigo ni Matobato sa senate probe.

“Ayaw ng senate president na proteksyunan si Matobato, dahil hindi nga nakunsulta si Senate president diyan e, so pag-uusapan muna namin sa senado iyang magiging kapalaran ni Matobato, biglang lumitaw kasi itong testigo na ito eh,” ayon kay Gordon.

Sa Huwebes ang target ni Gordon na maipagpatuloy ang imbestigasyon ng komite, pero ayaw nitong ituloy ang pagtukoy sa hearing bilang “pagdinig sa extra-judicial killings”.

Aniya hindi lang naman EJKs ang iniimbestigahan kundi iba’t ibang uri o pamamaraan ng pagpatay.

Tiniyak din ni Gordon na sa ilalim ng kaniyang chairmanship, hindi uubra ang bangayan o patayan ng mikropono.

Sinabi ni Gordon na nakakahiya ang senado kung napapanood sa buong mundo na nagbabangayan ang mga mambabatas.

 

Read more...