6 na testigo kaugnay sa drug trade sa Bilibid, maglalahad ng testimonya sa pagdinig sa Kamara
Sa tatlumpung resource persons ng Department of Justice, anim na testigo muna ang sasalang sa pagdinig ngayong araw ng House Justice Committee kaugnay sa illegal drug trade sa New Bilibid Prisons.
Sa kaniyang opening statement, sinabi ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre II na kabilang sa unang anim na testigo na magbibigay ng kanilang mga pahayag ay sina National Bureau of Investigation Deputy Director Rafael Ragos at ang high-profile inmate na si Herbert Colangco.
Isa rin sa mga resource persons ang maglalahad ng kaniyang nalalaman hinggil sa pagiging financier umano ni Jaybee Sebastian noong panahon ng pangangampanya ni Senator Leila De Lima sa pagtakbo niya bilang Senador.
Habang si Colangco, sinabi ni Aguirre na ilalahad niya sa komite ang detalye hinggil sa bentahan ng droga sa loob ng Bilibid.
Babanggitin din aniya ni Colangco na bahagi ng kita sa drug trade sa Bilibid ay napupunta kay De Lima.
Bago magsimula ang testimonya ng anim na resource persons, hiniling muna ni Aguirre na mapagkalooban ng immunity from suit ang mga tetestigo.
Inaprubahan naman ng House Justice Committee ang mosyon para sa immunity ng mga testigo.
Maliban kina Ragos at Colangco ang iba pang testigo na haharap ngayong araw ay sina Junior Ablen – driver/escort ni Ragos, convicted kidnapper na si Noel Martinez, retired police official Rodolfo Magleo at si Jaime Pacho.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.