AMLC itinangging pinahirapan ang DOJ sa paglalabas ng bank records ni De Lima
Itinanggi ng Anti-Money Laundering Council o AMLC na pinahirapan nila si Justice Secretary Vitaliano Aguirre II sa pagbuo ng kaso laban kay Senador Leila De Lima sa diumano’y pagprotekta sa iligal na droga sa New Bilibid Prison (NBP).
Sinabi ni Aguirre noong nakaraang linggo na hiniling ng Department of Justice (DOJ) sa AMLC na tignan ang ilang bank records na magpapakita ng transaksyon sa pagitan ng mga convicted drug lords at ni De Lima.
Ito ay para sa pagdinig ng kongreso ngayong araw kaugnay sa kalakaran ng iligal na droga sa Bilibid sa ilalim ng pamamahala ni De Lima noon bilang justice secretary.
Gayunpaman, sinabi raw ng AMLC na hindi ito madali dahil hindi ito sakop ng memorandum of agreement ng AMLC at DOJ.
Sa panayam ng Inquirer kay AMLC Secretariat deputy director Vencent Salido, sinabi nitong kailangan ng DOJ na magsumite ng criminal complaint o investigation report para payagan ng Court of Appeals ang paglalabas ng bank records.
Giit ni Salido, sinusunod lamang ng AMLC ang batas.
Gayunpaman, binanggit din ni Salido na maaaring magpasa ng resolusyon ang AMLC na pinapayagan ang pagsasagawa ng bank inquiry nang hindi dumaraan sa CA kung sangkot sa iligal na droga ang aktibidad.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.