Ayon kay MIAA OIC Vicente Guerzon Jr., mayroong alert levels na ipatutupad tuwing may sama ng panahon na umiiral base sa ipalalabas na advisory ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).
Sa ilalim ng Alert level 1, ang layo ng thunderstorm sa airport ay nasa 30 to 60km at kung Alert level 2, nasa layong 15 hanggang 30km. Magpapatuloy ang lahat ng ground activities sa NAIA sa Alert 1 at 2.
Kapag nasa Alert level 3 o nasa layong 5 hanggang 15km, tuloy pa rin ang mga “ground activities” maliban lamang sa pag-refueling ng eroplano at iba pa bang service equipment. Hindi rin papayagan ang deployment ng catering services sa ramp area at mabibinbin din ang towing ng mga aircraft.
Sa ilalim naman ng Alert level 4 kung saan ang layo ng thunderstorm sa airport ay nasa 0 to 5km na lamang ay ititigil na ang lahat ng ground activities sa paliparan.
Ang terminal managers ang magbibigay ng advisories sa mga airlines at groundhandlers.
Lahat ng tauhan ng NAIA na nasa ramp area ay dapat magkanlong sa ligtas na lugar. Hindi rin muna papayagan ang pagbaba at pagsakay ng mga pasahero sa eroplano. At kung ang eroplano ay nakahimpil sa malayong parking area, ang mga pasahero ay mananatili muna sa loob nito hanggang sa mai-lift na ang alert level.
Noong Sabado, nagkaroon ng problema at na-delay ang ilang mga biyahe ng eroplano dahil sa naransang pagkulog at pagkidlat sa bahagi ng NAIA.
Ayon kay Guerzon sa ilalim ng bagong sistema, kapag may thunderstorm at lightning advisories, ang PAGASA station sa NAIA ang magbibigay ng weather alerts sa MIAA at magrerekomenda ng hakbang na maaring gawin.
Ang MIAA naman ay susuriin ang report mula sa PAGASA at saka maglalabas ng advisories sa terminal management at control tower./ Ruel Perez