Drug war hindi matatapos hangga’t hindi nauubos ang mga pusher
Nakahanda si Pangulong Rodrigo Duterte na hamunin ang mga imbestigasyon sa Kongreso, pati na ang sanctions mula sa United Nations para lamang matupad niya ang pangako niyang lilinisin niya ang bansa mula sa iligal na droga.
Ayon sa pangulo, paninindigan niya ang kaniyang agenda na pigilan ang krimen at ang iligal na droga sa kabila ng kabi-kabilang pagbatikos na natatanggap ng kampanya ng kaniyang administrasyon.
Giit niya, wala siyang pakialam sa mga pagbatikos na matatanggap niya dahil may pangako siyang binitiwan sa mga mamamayang Pilipino na bumoto sa kaniya.
Matatandaang umapela ng karagdagang anim na buwang extension para maisakatuparan niya ang nasabing pangako.
Hindi aniya siya titigil hangga’t hindi napapatay ang kahuli-hulihang drug pusher sa lansangan, pati na ang mga drug lords.
Wala rin aniya siyang pakialam sa mga imbestigasyon na layong pabagsakin ang kaniyang kampanya laban sa iligal na droga, at sinabing may sariling mundo ang Kongreso kaya bahala na silang magkagulo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.