Isa pang tripulanteng Pinoy, nasawi sa lifeboat accident
Isa pang Pinoy na tripulante ang iniulat na nasawi sa isa pang aksidente sa isang cruise ship sa ibayong dagat.
Sa ulat ng crewcenter.com, kinilala ang nasawing biktima na si Ben Buenaventura, crew member ng ‘Norwegian Breakaway’ cruise ship sanhi ng mga pinsalang tinamo nito resulta ng aksidente.
Naganap ang aksidente noong July 20, nang mahulog sa dagat ang lifeboat na sinasakyan ng biktima at tatlo pa nitong kasamahan habang nagsasagawa ng lifeboat drill sa King’s Wharf sa Bermuda.
Dahil sa aksidente, isinugod sa ospital ang mga biktima kung saan agad na nasawi ang kasamahan nitong si Diogenes Carpio, 41 taong gulang.
Makalipas naman ang isang buwan na pamamalagi sa ospital, pumanaw rin nitong nakalipas na araw si Buenaventura.
Matatandaang kamakailan lamang, isang Pilipinong crew member ng cruise ship ‘Harmony of the Seas’ ang nasawi sa isa ring lifeboat accident habang nakadaong ito sa southern France.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.