Apat na eskwelahan lamang sa Metro Manila at hindi anim gaya ng unang napaulat ang nasa ibabaw ng fault line.
Ayon kay Phivolcs Director Renato Solidum, ang dalawang naalis sa listahan ay ang Karahume Elementary School sa San Jose Del Monte Bulacan at ang Barangka Elementary School sa Marikina City.
Ipinaliwanag ni Solidum na ang Karahume Elementary School ay wala sa ibabaw ng fault line per pasok sa buffer zone o less then 5 meters lang ang lapit sa fault line. Aminado naman ang Phivolcs na nagkamali sila ng sabihing Barangka Elementary School ang dinaanan ng fault line dahil sa pagtatama ng Department of Education (DEPED), Barangka National High School ang nakita sa mapa na nasa ibabaw ng fault line.
“Yung Karamuhe sa SJDM Bulacan, hindi talaga transected ito, meron silang 2 school buildings na malapit masyado, mga less than 5 meters ang lapit. Yung sa Barangka Elementary School, kakabit kasi niyan ang Barangka High School, nung una akala namin Elementary School yun pala High School,” sinabi ni Solidum
Ayon kay Solidum, maliban sa Barangka National High School, sapul din ng fault line ang dalawang gusali sa Buli Elementary School sa Muntinlupa; apat na gusali sa Pedro Diaz High School sa Muntinlupa; at isang private school sa Taguig na Anne Claire Montessori.
Tuloy naman ang pagbubukas ng klase sa June 1, 2015 sa Barangka National High School at Buli Elementary School sa Muntinlupa, dahil hindi na nila gagamitin ang mga gusaling nakatuntong sa fault line.
Ang Pedro Diaz High School naman ay iaanunsyo pa kung kailan ang pagbubukas ng klase. Ayon kay Solidum, pagpupulungan pa nila kasama ang DepEd kung ano ang maaring gawin sa mga gusaling nadaplisan lamang ng fault line.
Kasabay nito ay hinikayat ni Solidum ang publiko na idownload sa kanilang website ang Atlas Map na naglalaman ng lugar na tinamaan ng fault line. “Kaya nga ang publiko, ang mga school administrators, ang mga owner ng establishemtns, nananawagan kami na tignan ang aming Valley Fault Atlas, para kung gusto niyo tiyakin yung location, they can contact us,” dagdag pa ni Solidum
Sinabi ni Solidum na sa kanilang datos, noong Lunes, umabot nasa mahigit 65,000 ang nagdownload ng Atlas Map./ Dona Dominguez-Cargullo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.