Arestado ang isang dating cameraman ng isang TV network matapos mahulihan ng shabu sa isang checkpoint sa Brgy. Project 6, Quezon City.
Kinilala ang suspek na si Dennis Ofilada, 38 taong gulang at residente ng Gloria 2 Subdivision, Brgy. Tandang Sora ng naturang lungsod.
Ayon kay QCPD station 2 commander P/Supt. Igmedio Bernalez, nagsasagawa sila ng “Oplan Sita” sa bahagi ng Mindanao Avenue nang parahin ang motorsiklo kung saan naka-angkas ang suspek dahil sa hindi pagsusuot ng helmet.
Habang hinahanapan ng mga kaukulang dokumento ay nakitaan ng mga plastic sachet ng shabu ang suspek sa loob ng kulay itim na body bag nito.
Agad na dinampot ng mga pulis ang suspek ngunit nakatakas naman ang lalaking driver ng motorsiklo matapos masalisihan ang mga pulis.
Narekober mula kay Ofilada ang 7 plastic sachets ng shabu na may timbang na 35 gramo na nagkakahalaga ng P70,000.
Inamin naman ng suspek na sa kaniya nga ang mga nakumpiskang shabu at nakatakda sana siyang makipagkita sa babagsakan nito nang mahuli sa checkpoint.
Nakakulong na sa detention cell ng QCPD station 2 ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.