Bagaman hindi direktang ginamit ang salitang “paalam”, mistulang ito na ang naging direksyon ng huling State of the Nation Address ni Pnagunlong Benigno Aquino III.
Sa pinakamahabang SONA ni PNoy, pinasalamatan nito ang mga miyembro ng gabinete at ang lahat ng nakatulong sa kaniya. Inisa-isa niya ang mga ito at sinabing hindi niya nagawa ang pamumuno ng nag-iisa. “Hindi ko ito naisakatuparan ng mag-isa,” banggit ng pangulo.
Kasama sa mga binanggit ng Pangulong Aquino at binigyang pasasalamat ang kaniyang yaya na si Yolly Yebes at ang yumaong si dating Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Jesse Robredo.
Halos lahat ng gabinete ay napasalamatan at napuri maliban lang Binay. Sa halip, binuweltahan pa ni PNoy ang ‘manhid at palpak’ na batikos ni Binay sa kaniyang administrasyon.
Binanggit ni PNoy ang nagawa ng administrasyong Aquino sa Philhealth coverage kung saan tinarget na matulungan at mapasama sa coverage nito ang pinakamahihirap na Pinoy. “Ito po ‘yung pagkalingang tinatawag ng iba na palpak at manhid. Ang tugon ko po, sabi nga ni Aiza Seguerra noong araw, “I thank you, bow.”, ayon kay PNoy.
Sa nalalabi niyang panahon sa tungkulin, nanawagan si PNoy na ipasa ang anti-dynasty bill.
Ayon kay PNoy kumontra siya noon sa nasabing panukalang batas pero naisip niyang napapanahon na itong ipasa.
Sinabi ni PNoy na tutol siya noon sa Anti-dynasty bill kaya nang may nagmungkahing manatili pa siya sa puwesto kahit dagdag na tatlong taon siya mismo ay tumutol.
Isa sa mga pinaka-malakas na pinalakpakan ay nang sabihin ng pangulo na panahon na para ipasa ang isang Anti-Dynasty Law. Ang bahaging ito ng talumpati ay tinitignan na patama kay Binay at sa pamilya nito.
“May mali rin sa pagbibigay ng pagkakataong habambuhay na magpakasasa sa kapangyarihan ang isang tiwaling pamilya o indibidwal. Ganyang kaisipan din ang dahilan kung bakit, noong may nagmungkahing manatili pa ako sa puwesto—kahit raw dagdag na tatlong taon lang—ako mismo ang tumutol dito. Di tayo makakasiguro kung malinis ang intensiyon ng mga susunod, o kung nanaisin lang nilang habambuhay na maghari-harian para sa sariling interes. Panahon na para ipasa ang isang Anti-Dynasty Law,” bahagi ng talumpati ng pangulo.
Ipinanawagan din nito sa mga mambabatas ang pagpasa sa Bangsamoro Basic Law, pero hindi nabanggit ang tungkol sa Freedom of Information bill. / Dona Dominguez-Cargullo, Len Montaño