Hinimok ni Senador Grace Poe si Pangulong Benigno Aquino III na bigyan ng score card sa kanyang huling State of the Nation Address (SONA) ang kalagayan ng Metro Rail Transit.
Ayon kay Poe, mahalaga na mabatid ng publiko kung ano ang nakikitang long term solution ng pamahalaan sa problema ng MRT.
Dapat din aniyang gawing prayoridad ng pangulo ang Freedom of Information (FOI) bill na hanggang ngayon ay nakabinbin sa kamara. Mahalaga rin aniya na pagtuunan ng pansin ng pangulo ang usapin sa Agrikultura.
Pero ayon kay Poe, hindi maikakaila na nagbigay ng inspirasyon ang pangulo para ipagpatuloy ang magandang reporma sa pamahalaan at pagpapalago ng ekonomiya.
Isa sa mga effigy na ginawa ng mga militanteng grupo ay kumakatawan sa problema ng mass transport system ng bansa lalo na ng MRT.
Samantala, nakikiusap si House Majority leader Neptali Gonzales II sanlahat ng mga kongresista na maging masipag sa pagdalo sa sesyon ngayong huling regular session nan g 16th Congress.
Paliwanag ni Gonzales, kailangan nilang maipasa ang mahahalagang panukalang batas, gaya ng FOI bill, Anti-Political Dynasty bill at Economic Charter Change.
Ayon kay Gonzales, hindi naman na kagulat-gulat kung ang 2016 proposed National Budget at ang Bangsamoro Basic Law ay kapwa maipapasa sa kamara.
Ito kasi aniya ay pawang priority measures na talagang tututukan ng mababang kapulungan.
Sinabi ni Gonzlaes na mabigat na hamon para sa kanila na makabuo ng quorum, lalo’t halos lahat ng kongresista ay magiging abala na sa eleksyon.
Pero kung magiging masipag aniya ang mga mambabatas na dumalo sa mga sesyon, ay umaasa si Gonzales na maisasalba sa ‘natural death’ ang FOI bill, Anti-Political Dynasty bill at Economic Cha-Cha./ Chona Yu, Isa Avendaño-Umali
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.