Graft charges vs CGMA na may kaugnayan sa NBN-ZTE deal, ibinasura ng Sandiganbayan

By Mariel Cruz September 16, 2016 - 08:20 PM

Arroyo-620x465Ibinasura ng Sandiganbayan Fourth Division ang natitirang kasong katiwalian ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo na may kaugnayan sa maanomalyang National Broadband Network o NBN contract sa Chinese firm na ZTE.

Bukod kay Arroyo, dinismiss din ang kaso nina dating First Gentleman Mike Arroyo at dating Commission on Elections chairman Benjamin Abalos.

Ayon sa Sandiganbayan, nabigo ang prosekusyon na patunayan na mayroong personal na interes ang dating pangulo sa maanomalyang NBN ZTE contract.

Pinaboran din ng anti-graft court na walang kinalaman si Arroyo sa umano’y pagtatangka ni Abalos na suhulan ang dating Economic Planning Secretary na si Romulo Neri ng 200 million pesos para sa mabilisan pag-aapruba sa ZTE proposal.

Noong nakalipas na Mayo, pinawalang sala si Abalos sa graft charges na may kaugnayan sa naturang kaso.

Nagpasalamat naman ng kampo ni Arroyo sa paborableng desisyon ng Sandiganbayan.

Sinabi ng abogado ng mambabatas na si Atty. Laurence Arroyo, ito na ang ikatlong pagkakataon na ibinasura ng korte ang kasong katiwalian na inihain laban sa dating pangulo.

Matatandaang ibinasura rin ng Korte Suprema ang plunder case laban kay Arroyo na may kaugnayan sa umano’y maling paggamit ng 366 million pesos na pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.