Hinihinalang Abu Sayyaf member, kabilang sa 85 drug suspek na nahuli sa Oplan Tokhang at Galugad sa Brgy. Culiat, Quezon City

By Mariel Cruz September 16, 2016 - 02:53 PM

Barangay CuliatArestado ang aabot sa walumpung drug suspek kabilang na ang isang hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf Group sa ikinasang anti-illegal drug operation sa Barangay Culiat, Quezon City.

Ayon kay Quezon City Police District chief Senior Supt. Guillermo Eleazar, nakilala ang hinihinalang terorista na si Juraid Sahibbun.

Naaresto rin ang umano’y drug lord ng Salam Compound na si Hadji Abraham na kasama sa drug watchlist ng QCPD.

Batay sa inisyal na ulat, isinagawa ang Oplan Tokhang at Galugad kaninang 11:30 ng umaga ng QCPD Station 3 sa pangunguna ni Supt. Danilo Mendoza.

Naging katuwang din ng QCPD Station 3 sa naturang operasyon ang Special Weapons and Tactics (SWAT), ilang barangay officials at ang presidente ng Brgy. Culiat Muslim Peace and Order na si SPO2 Hassan Adi.

Ayon pa kay Eleazar, umabot sa walumpu’t lima katao ang naaktuhang nagsasagawa ng pot session sa tatlong magkakahiwalay na bahay nang isagawa ang raid.

Narekober sa mga suspek ang 33 sachets ng hinihinalang shabu, apat na sachets ng marijuana, isang rolyo ng foil, sampung lighter, apat na weighing scales, labing apat na improvised toothers, tatlong bala ng 9mm na baril, isang 38 caliber, isang improvised samurai at walong cellphones.

Dahil dito, mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act ang mga nahuling suspek.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.