Matobato, ‘recycled witness’- HS Alvarez

 

Minaliit lamang ng Liderato ng Kamara ang mga rebelasyon ni Edgar Matobato, ang dating miyembro ng Davao Death Squad na testigo sa Senate inquiry kahapon.

Giit ni House Speaker Pantaleon Alvarez, gasgas na ang mga akusasyon ni Matobato laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Tahasang sinabi pa ni Alvarez na isang “recycled witness’ si Matobato at hindi umano totoo ang presensya ng DDS.

Ani Alvarez, siya mismo na galing sa Davao ay walang alam sa DDS.

Ang mayroon lamang daw ay Diehard Duterte Supporter na kung saan siya mismo ay kabilang.

Ilan din aniya sa extra judicial killings ay gawa lamang ng mga sindikato ng droga upang patahimikin ang mga pwedeng tumestigo laban sa mga big time drug lord.

Kumbinsido naman si Alvarez na ang tunay na layunin ni Senador Leila de Lima ay mapahina ang impact sa isasagawang imbestigasyon ng kamara sa pagkalat ng iligal na droga sa NBP noong panahon niya bilang Justice secretary.

Pagtitiyak naman ng Speaker, may mga bagong witness silang hawak at tiyak na masusorpresa ang lahat sa gagawing inquiry ng Kamara sa susunod na linggo.

Read more...