Utos ni Duterte na ipapatay umano ang mga tauhan ni dating House Speaker Nograles, walang katotohanan

Nograles
Photo from congress.gov.ph

Mariing pinabulaan ng anak ni dating House Speaker Prospero Nograles ang ilan sa isiniwalat ng nagpakilalang dating Davao Death Squad o DDS member na si Edgar Matobato sa Senate inquiry hinggil sa extra-judicial killings.

Si Matobato ang iprinisentang testigo ni Senadora Leila De Lima sa naturang imbestigasyon.

Partikular na binanggit ni Matobato na si dating Davao City at ngayo’y Pangulong Rodrigo Duterte ang nag-utos daw na ipapatay ang mga tauhan ni Nograles nang mag-laban sila sa pagka-alkalde sa siyudad noon.

Pero ayon kay Davao City Rep. Karlo Alexei Nograles, walang katotohanan sa naturang bintang ni Matobato.

Giit pa ng Kongresista, taliwas sa sinabi ni Matobato ay wala silang bodyuards, maliban na lamang sa mga na-assign ng Philippine National Police o PNP para sa kanilang pamilya.

Binigyang-diin ni Nograles, kahit pa i-check o siyasatin ay buhay na buhay pa ang mga tauhan noon ng kanyang tatay.

Matatandaan na ilang taon na magka-away sina Duterte at matandang Nograles, dahil sa politika.

Pero nang tumakbo si Duterte sa pagka-President ay nagka-bati sila ni Nograles at sa katunayan ay tinulungan pa ng dating House Speaker ang former Davao City Mayor sa kanyang kampanya.

Read more...