2 katao patay makaraang hindi tumigil sa checkpoint sa Malate, Maynila

Tadtad ng bala ng baril ang katawan ng lalaking magka-angkas sa motorsiklo matapos hindi pansinin ang isang checkpoint sa Quirino Avenur corner Leveriza sa Taft Avenue, Maynila kaninang alas tres ng madaling araw.

Nabatid na pinara ng mga pulis ang dalawa subalit sa halip na huminto ay pinaharurot pa ang kanilang motorsiklo.

Nang akmang susundan ng pulis ay bumunot umano ng baril ang naka-angkas. Dito na pinaputukan ng mga pulis ang dalawa.

Ayon kay SPO4 Glenzor Vallejo ng Manila Police District Homicide Section, nasa edad 25-30 at 30-35 anyos ang dalawang suspek na nagtamo ng mga tama ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Nakuha sa kanila ang isang 38 caliber na baril, isang granada at pitong tabletang hinihinalang valium.

Hindi agad nagalaw ng mga pulis ang crime scene dahil sa granadang nadaganan ng isa sa mga suspek.

Subalit nang nakuha ito ng MPD Explosives and Ordinance Division ay hindi sumabog.

Nabatid din na peke o improvised ang plaka ng ginamit motorsiklo ng mga suspek at wala rin ID na nakuha sa dalawa.

Read more...