Umarangkada na ang mga kilos protesta sa Commonwealth Avenue sa Quezon City ilang oras bago ang pagsisimula ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Benigno Aquino III.
Gaya ng mga nagdaang SONA, hanggang sa tapat lamang ng Ever Gotesco Mall sa Commonwealth Avenue sa Quezon City pinayagan ang mga raliyista.
Kanina, isang effigy ni Pangulong Aquino ang sinunog na ng mga raliyista mula sa Southern Tagalog.
May mga militante na rin mula sa Central Luzon na nakilahok sa protesta. Gayundin ang ilang miyembro ng mga indigenous people na pawang mga nakabahag lamang nang dumating sa lugar para makiisa sa rally.
May mga empleyado rin ng gobyerno na sumali sa protesta para hilingin na maitaas ang kanilang sahod.
Ang grupong Bagong Alyansang Makabayan o Bayan, isang malaking effigy ni Pangulong Aquino na nakasakay sa tren ng Metro Rail Transit ang sentro at simbolo ng kanilang gagawing pagkilos.
Samantala, ang Philippine National Police na maaga pa lamang ay pinaghahandaan na ang pagdating ng mga raliyista ay tiniyak na walang makalalapit na mga nagpo-protesta sa bahagi ng Batasan.
Maliban sa mga barb wires at concrete barriers, gumamit din ng mga container vans, at mga 10 wheeler trucks para maharangan ang mga raliyista.
Bago mag-alas 12:00 ng tanghali ay bumuhos ang malakas na ulan sa Quezon City, pero hindi pa rin nagpatinag sa kani-kanilang mga pwesto ang mga raliyista at hindi umalis sa kanilang kinatatayuan. / Erwin Aguilon, Jong Manlapaz, Jan Escosio, Ricky Brozas
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.