Nagpahayag ng pagkabahala ang ilang mga foreign investor sa mga binibitiwang anti-US na pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte at sa posibleng negatibong epekto nito sa ekonomiya ng bansa.
Ayon kay ING economist for the Philippines Joey Cuyegkeng, patuloy na nalulugmok ang pananaw ng merkado sa political at diplomatic environment sa bansa dahil sa mga anti-American rhetoric ng Pangulo.
Bukod pa dito aniya ang lumalalang mga kaso ng extrajudicial killings sa bansa at pabagu-bagong pahayag ng administrasyon sa ilang mga polisiyang nais nitong ipatupad.
Paliwanag pa ni Cuyegkeng, nang bumagsak ng mahigit 100 points noong Miyerkules ng nakaraang linggo ang Philippine Stocks Exchange index, isinisi ito ng ilang mga traders sa posibleng sigalot na namumuo sa pagitan ng Amerika at Pilipinas.
Sa kabila ng pagtaas ng regional market noong nakaraang linggo, kapansin-pansin ang pagbulusok ng PSE index ayon pa kay Cuyegkeng.
Ayon kay Cuyegkeng, todo-ingat ang mga investors sa ngayon dahil sa mga pagbabago sa mga polisiyang nais tahakin ng administrasyon.
Bagamat may mga positibong epekto ito aniya sa bansa, mayroon rin na kumukuwestyon sa epekto ng mga bagong polisiya sa sustainability ng economic activity at sa pribadong investments sa bansa.